Saturday, October 16, 2010

Epiko at Peminismo, Machismo at Kabayanihan

Napagusapan sa mga kanya-kanyang grupo ang isang babasahing tinatawag na “Labaw Donggon.” Isa raw itong epiko kung saan ang isang machong bayani ay may kagustuhang magkaroon ng pangatlong asawa. At para makuha niya ang gusto niya, kakalabanin niya ang kontrabida. Ngunit napagusapan din kung ano nga ba talaga ang tunay na epiko. Ano ang kinaiba nito sa mga panitikang patula, o pakwento? Sinuri rin sa loob ng klase ang implikasyon ng kwento sa tingin ng kanilang lipunan sa kababaihan. Tinalakay din ng madalian ang iba pang panitikan tulad ng Pasyon, at ilang ebanghelyo mula sa Biblya.

Maraming mga mata nga ang namulat ng mga pagusbong ng mga peministang panananaw at pakikibaka. Maraming buhay ang nabigyan ng sapat na ginhawa salamat sa mga naitulong ng mga peminista. Ang mga lipunan sa mundo, lalu na ang mga makaamang lipunan, ay naimpuwensyahan na ng mga pagunlad na ito, hindi laman sa kultura, kundi pati na rin sa mga patakarang naisabatas na at naipapaptupad na. Malaki nga ang binago nito sa lipunan, sa mga komunidad, sa mga pamilya, sa mga indibidwal na mga buhay.

Ang pagkilatis sa mga panitikan, anu mang uri, ay naisasagawa para sa mga pagaaral ng iba’t ibang perspektibo pagdating sa lipunan at kasarian. Mula sa nailathala ng mga banyaga, sa mga naisulat sa mga probinsya ng Pilipinas. Kahit pa Muslim o Katoliko ang may akda niyan, napapagaralan din yan. Ganyan kalaki ang saklaw ng mga nagaaral ng lipunan at kasarian. Nakakabubuti nga ang masusing pagtingin sa iba’t ibang nailathala pagdating sa paglawak ng kaalaman.

Ang lawak ng kaalaman subalit ay hindi laging natatanging layunin ng mga tunay na iskolar. Ang hangad naman ng iba ay pagbabago, o maaari naman ay silakbo ng kanyang buhay. Nagkakaiba-iba din namana yan. At dahil sa iba’t ibang paniniwala, pananaw at ideyolohiya, di nating maiiwasan ang pagtatalo sa iba’t ibang bagay. Para sa iba, hindi lahat ng teksto ay dapat isailalim sa masusing pangangatwiran. Ito ay dahil sa kanilang pananaw, ang kanilang paniniwala ay nakasalalay dito na ito na ang nagsisilbing gabay ng kanilang buhay. Kaya hindi madali ang ipagsama sa isang silid ang nagbabatikos ng akda at ang lubos na naniniwala dito.

Pero sa kabila ng pagkakaiba sa mga pinaniniwalaan, sa tingin ko naman ay may tamang paraan, tamang lugar at tamang panahon kung saan maipapahiwatig ang kanya-kanyang pinaniniwalaan. Sa ganitong paraan, ang bawat isa ay makakapulot ng aral sa isa’t-isa. Ito ang tunay na expresyon ng pagiging totoong akademiko, tunay na iskolar – ang makita ang iba’t ibang panananaw ng may bukas na isip.

Wednesday, October 13, 2010

Papel sa Lipunan

Napagusapan muli ang mga pananaw ng mga mahuhusay na manunulat at manunuri ng lipunan hinggil sa feminism at lahat ng konseptong mahalaga sa pagpapakita nito.

Upang tukuyin ang papel ng isang tao sa lipunan, titignan niya ang kanyang kayang gawin, ginagawa, at nais pang gawin. Ngunit, ang karamihan dito ay nakakahon na sa kanyang mga likas na katangian – mga katangiang biolohikal na makikita sa kanyan “human nature”. At dahil dito, ang bawat tao ay may “normal” na papel ngagampanan sa lipunan, na nakasalalay na sa kung ano ang tingin ng lipuna’y nararapat sa iyo – pwede na rin nating sabihing “dikta” ito ng lipunan.

Kung ganoon, may mga konsepto naman ang marami sa ating mga iskolar na kanilang pinaniniwalaan na lalabag sa batas ng “normal”, o “dikta.” Ito ay ang post-modernism. Ang tingin nito sa mga bagay-bagay ay lagpas sa kadalasang nakikita ng pang-araw araw na tao. Hindi ito superpowers o magic eye glasses, ito ay paraan din ng pagiisip - makabago, at hindi pangkadalasan. Kaya naman sa susunod na pagsuri sa mga batas o dikta, maaari pa itong mabago sanhi ng iyong makabagong pagtingin – bagong pagtingin sa kagandahan, sa lipunan atbp.

Madalas naiiba ang papel na ginagampanan ng tao base sa kani-kanilang kasarian. Maari din itong maging balakid, depende sa iyong TUNAY na kagustuhan.

Kung nais mong mabago ang tingin ng lipunan sa iyo, maaari naman itong gawan ng paraan. Ngunit totoo nga marahil na hindi lahat kaya itong gawin, siguro kakailanganin mo ng tapang, o di nama’y talino.

Ngunit sa kahit anong klaseng pagkakahon, at sa anumang uri ng lipunan ang kinabibilangan mo, kung sa iyong tingin ay hindi naman nagsasangayon ang iyong kagustuhan, at ang kagustuhang ipinamana lamang sa iyo ng lipunan, maaring sa simbahan, pamilya, paaralan o kung ano man, hindi naman tamang maging sunud-sunuran ka sa di naman laman ng iyong puso, dahil malaki ang papel mo sa sariling paghanap, pagsuri, pagpili, at pamumuhay, hindi mo na kakailanganing kailanma’y maging uto-uto sa iyong ‘papel sa lipunan.’

Wednesday, October 6, 2010

Haba at Lalim

Tinalakay ng nakaraang klase ang marxismong panananaw muli sa peminismo. Muli, ikinlaro na ang pinaghuhugutan ng mga pangangatwiran ng mga marxistang ideya ay ang siyentipikong pananaw na tayong mga tao ay mga nialang na may mga pangangailangan.

Ang kasarian nga ba ay likas na bahagi ng ating pagkatao, o kinasasanayan habang tayo ay tumatanda sa ilalim ng impluwensya ng ating kapaligiran? Ano nga ba ang mas dapat na pagmasdan, ang haba ng pagkakataong maisatao ang nakikita sa paligid, o and lalim ng katauhan niya kung saan matatagpuan ang katangiang nakamit nung siya’y ipinanganak?

Bago muna natin sagutin ang tanong na iyan, nararapat lang na magdaan muna ako sa masusing panunuri ng aking sariling talambuhay. Ngunit hindi sapat ang isang pahina para gawin ito, kaya isasakonteksto ko nalang sa usapang “haba at lalim” ang aking pananaw dito. Ang pagbabago sa pagnanais ay hindi na bago, at din na rin kakaiba sa lipunan – ito ay isang bagay na mapagsasangayunan ng mga manunulat, sikologo, at iba pang mga dalub-agham panlipunan. Ngunit kung sa uri din lang naman ng pagbabago ang paguusapan, ang pagtataunan lang naman diyan ay ang sanhi ng mga pagbabagong ito. Kung ito ba ay dulot ng lipunan, o dulot ng sariling pisikal na pangangatawan?

Monday, October 4, 2010

Pulitika ng Kasarian (Ikatlong Bahagi – Radikal)

Ang pangatlong bahagi ng mga paguusap tunkol sa gender politcs o kasarian at pulitika, ay ang konsepto ng Radical Feminism. Dito naman, ang pinaghuhugutan ng pananaw na ito ay ang sexual roles o ang ginagampanang bahagi ng dalawang magkaibang kasarian sa pagtatalik. Ika nga, ito na raw ang pinaka kitang ebidensya ng pagkakaiba ng babae sa lalake. Ang oppression ng kababaihan dito ay tinitignan din sa paraang naisasaalang-alang ang pagkakaroon ng patriarchy sa lipunan – o ang pagiging masdominante ang mga katangian ng mga kalalakihan.

Kapag ang lalake ay nanunuod ng ‘porn’ o pornograpiya, isa itong pagpawi lamang ng sekswal na pangangailangan. Ito raw ay normal na sa likas na katauhan ng lalake. Ngunit, hindi ba ang pagpigil nito ay labag sa batas ng kalikasan? Kung ganoon, paano naging makasalanan ang pagsunod sa walang iba kundi ang mismong pagkakasaayos ng kalikasan? Gaano ba kahirap ang pagsuway sa tawag ng sariling katawan?

May mga institusyon sa lipunan na naniniwalang kasalanan ang mga ito. Hindi ko na tatalakayin ang tinatawag nilang “institusyong” iyan, dahil marami, bukod sa nasabing pangangailangan dito, ang sa tingin ko’y hindi na dapat nila ginagawan ng konsepto ng tama at narararapat na labag naman nga sa kalayaan ng taong mamili.

Sa mundong ibabaw, hindi madaling sabihin ang mali sa tama – yan ang katotohanang kailangan harapin ng bawat tao sa kanyang paglaki. Ang tamang pag-aral ng mga bagay-bagay ukol dito ay mainam na kanyang malaman sa kanyang pagpili, lalu na kung siya ay nasa edad na ng pagsusuri o and age of reason.

Kalayaan nga ba ang tawag sa pagkulong sa tao sa isang sector sa lipunan, ng walang panahon upang pagisipan man lang ito? Tama ba ang pagpataw ng kultura sa bawat isang tao kung ang kultura mismo ay nagdidikta ng pananaw, paniniwala, salita at gawa?

Tuesday, September 28, 2010

Pulitika ng Kasarian (Ikalawang Bahagi – Marxista)

Nang natapos nang talakayin ang Liberal Feminism, sinimulan naming ang masusing pagtingin sa Marxist Feminism. Sa pagsara ng usapan ukol sa Liberal, isanalaysay muli ang mga mahahalagang bahagi ng diskusyon. Ito ay ang pagtingin ng mga Liberal Feminists sa likas na katauhan, sa ugat ng estado ng lipunan, at sa opresyon sa kababaihan. Ang usapan tunkol sa Marxist Feminism ay nagsimula sa paghahambing ng Marxist and Liberal pagdating sa pagtingin sa katauhan. Ang tingin ng Liberal Feminists sa katauhan ay may pantay-pantay na karapatan, kaya dito rin nakaangkla ang paniniwalang dapat pantay ang babae at lalake. Ang tingin naman ng Marxist Feminists sa katauhan ay mga indibidwal na may mga pangangailangan – bilang isang siyentipikong posisyon. Kaya naman sa madaling salita, ang paniniwalang Marxist Feminism ay nakatutok sa uri ng lipunang meron tayo – kapitalista, di pantay-pantay, nagkakaiba-iba. Dito rin binabase ang solusyong patuloy inihahayag nila: ang pagbagsak ng sistemang kapitalista.

Ang tao, may rationality – isang bahagi ng ating katauhan na gumuguhit ng linya sa pagitan natin at ng mga hayop. Ito rin ang nakakapagbigay sa atin ng abilidad na gumawa ng ating mga opinyon, imahinasyon, pangarap atbp. Ito rin marahil ang nagbigay daan sa uri ng lipunang meron tayo – kabilang na ang mga ideyang nagimpluwensya dito sa kurso ng ating kasaysayan. Ngunit, ayon nga kay Aristotle, “Man (and woman) is by nature a political animal”, ibig bang sabihin nito na tayo ay nawawalan na ng bahid ng rationality? Maiitatawag pa ba tayong mga rational na nilalang kapag pulitika na ang pinaguusapan?

May maisasagot nga siguro dito si Karl Marx. Marahil babalikan niya ang kanyang paniniwala na ang tao may mga pangangailangan. Sa katotohanan, sinabi pa nga ni Marx ang katagang “The human being is in the most literal sense a political animal, not merely a gregarious animal, but an animal which can individuate itself only in the midst of society.

Kung pagdudugtungin ang kanyang paniniwala sa likas na uri ng tao – walang tigil sa pagtutugis para sa personal na pangangailangan - at ang kanyang tingin sa tao bilang hayop ng pulitika, malamang ang kilos ng bawat tao na may kinalaman sa aspetong pampulitikal ay walang bahid ng ‘rationality’. Kung gayon, ano pa ba nga ba ang silbe ng pagsusuri sa pagiisip ng tao sa lahat ng bagay political? Marahil wala.

Oo, totoo naman sigurong walang perpektong lipunan. Totoo rin sigurong di natin kayang abutin ang ganoong estado. Tama naman siguro ang iniisip ng karamihan na ang perpekto ay hindi matatagpuan sa mundon ibabaw. Marahil, ngunit di naman siguro tamang din nalang natin gawin ang makakaya natin para gawin itong masmabuti. Walang masama sa pagrespeto sa mga pananaw ng ibang tao. Dahil ang totoo, walang may nagmamayari ng monopolya sa kung ano ang tama, at ano ang mali.

Wednesday, September 22, 2010

Pulitika ng Kasarian (Unang Bahagi - Liberal)

Ang mayaman at makulay na talakayan ay nagsimula sa pagalala ng nakaraang mga pinagusapan sa loob ns silid-aralang. Dito nakilatis muli sa klase ang mga teyoryang “Penis Envy”, “Womb Envy”, “Linguistic Theory”, at “Reproduction of Mothering Theory” ng iba’t ibang manunulat, sikologo, at sosyolohista. Subalit tumungo naman ang pagaaral naming sa panitikang pangkasarian sa mga nailathala ng isang tanyag daw na manunulat na si Alison Jaggar. Ipinababasa ng guro ang mga bagay tunkol sa mga pulitika ng kasarian at teyorya ng feminista. Lima mula sa dinami-daming mga paniniwala ang aming pagaaralan – Liberal Feminism, Marxist Feminism, Radical Feminism, Socialist Feminism at Third World Feminism. Tinalakay ng lubusan ang unang uri ng Feminism.

Maraming bagay ang maipapahiwatig lamang sa pamamaraan ng teyorya at ideolohiya. Ngunit ang mga bagay na ito – paniniwala, prinsipyo, kaalaman – ay may maraming gamit sa pang-araw-araw na pamumuhay, kilos at galaw. Hindi naman natin siguro, bilang mga akademiko, maikakaila na ang paniniwala ay likas na naipapakita sa kilos at paguugali ng tao.

Isa sa mga pinakamalawak na sukat o kaayusan ng mga paniniwala ay ang “Political/Ideological Spectrum.” Ito ay napakalawak ang saklaw, at napakaraming tao din ang ginagamit ito sa paghahambing-hambing ng mga uri ng tao, paggawa ng opinyon sa iba’t ibang mga isyu, at paghanap ng mga pamamaraan ng pagkilos para solusyonan ang ilang problemang panlipunan. Sa katotohanan, maraming tao na ang nahati batay sa posisyon nito sa political spectrum, o espektro pampulitikal. At ang mga ipinaglalaban ng ilang feminista ay nakaangkla sa ilang posisyon sa Political Spectrum.

Ang nasa gitna, ay ang “Liberal” na posisyon. Dito, pinapahiwatig ang kahalagahan ng edukasyon bilang instrumento sa pakagwalang-bisa ng mga pagsiil sa mga kababaihan. Edukasyon at tamang kaalaman din daw ang makakapawi sa di-pagkakapantay-pantay ng mga kababaihan sa kalalakihan. Dito ay sinisisi sa batas na ginawa ng tao ang di-pagkakapantay-pantay na ito.

Ngunit ang mundo natin ay hindi nahahati sa dalawa, o sa tatlo. Tayo ay maraming, magkakaiba-ibang mga tao. May mga kanya-kanyang paniniwala, kanya-kanyang pananaw. Sa katotohanan, hindi lahat ng tao ay may kinabibilangan sa Political Spectrum. Sa katotohanan, hindi lahat ng nasa kaliwa ay kaliwa sa kilos, paniniwala at higit sa lahat, sa pinaglalabanan. Sa katotohanan, lahat naman tayo may kakahayang magisip, ngunit hindi lahat sa atin ay kayang manindigan at kumilos.

Wednesday, September 15, 2010

Kasarian Mula sa Utak

Tinalakay sa aming pangatlong pagkikita sa klase

ang mga teyoryang ipinasaliksik sa amin ng aming mahusay na guro. Ang “Penis Envy Theory” ni Sigmund Freud ang una; ito ay patunkol sa pagkainggit ng mga babae sa ‘kakulangan’ nila na yun na nga ay ang titi – ang nagbibigay umano ng mas mataas na antas sa mga kalalakihan. And “Womb Envy Theory” naman ni Karen Horney ang sumunod. Ito naman ang pagsagot sa naunang teyorya ni Freud. Sinasabi niya na ang mga lalake naman ang naiinggit sa kakayanan ng mga babae na magluwal ng bata at mag aroga nito. Ang “Linguistic Theory” naman ni Jacques Lacan ang sumunod. Dito, ang kasarian daw ay sa isinasalamin ng linggwistiks na may pagkakahalintulad sa teyorya ni Freud. Ang “Reproduction of Mothering Theory” ni Nancy Chodorow ay nagpapaliwanag kung bakit naman ang mga kababaihan ay gustong maging babae. Dahil sa nakikita nila ang sarili nila sa kanilang paglaki sa kanilang mga ina, ito ang kasariang isinasabuhay nila ayon kay Chodorow.

Ang ating kasarian, ayon sa mga nabanggit na mga artikulo, ay naipapaliwanag ng ating sikolohiya – ng ating pagiisip. Kadalasang sanhi sabi ng mga nagsulat nito, ay ang inggit, o kaya naman pagnanais. Itong dalawang ito ay emosyonal at nagmumula sa utak. Ngunit di natin maikakaila, ang mahalagang papel na ginagampanan ng ating paligid. Sa tingin ko, masyadon maliit ang saklaw ng mga teyoryang ito dahil ang nararamdaman, at naiisip, lamang ang napagnilay-nilayan sa mga usaping pangkasarian. Bagkus ay dapat naisaalang-alang din ang mga waring impluwensya sa ating bilang tao – at ito ay ang ating mga napapansin sa ating paligid.

Pero sa kabila ng aking naisip na kakulangan ito, mainam na pagaralan ang kanilang iminumunkahi. Ito ay dahil marami din naman tayon mapupulot na aral mula sa mga ito. At sa sarili din natin, maaari nating pagnilay-nilayan kung tama nga talaga sina Freud, Horney, Lacan at Chodorow.

Sa ating mga sarili, sapat na nga ba talagang pagaralan ang ating kasarian bilang bunga lamang ng ating pagiisip? Ang ating kilos, pananlita, pagdamit, pagtingin sa sarili – ito nga ba lahat ay dulot ng impluwensya sa ating pagiisip nung tayo ay lumalaki? Siguro na nga ang sagot diyan ay oo. Kaya naman hindi natin maisasantabi ang realisasyong malaking bahagi ng ating lipunan ang kasarian, gayundin ang ating pagiisip. Siguro na nga ang mga mahuhusay na sikologo tulad nina Freud at Chodorow ay binibigyan ito ng malaking halaga, at ito ay marahil ang kasarian ay mula sa utak.

Bakit Babae, Bakit Lalake

Tinalakay ang pinagkaiba ng mga kalalakihan sa kababaihan.

Inulat ng apat na grupo ang mga pagkakaibang pisikal at paskilos. Umugat sa hormones, hanggang ipinaliwanag ang mga ari, at sa humantong ito sa mga kilos ng tao. Bukod dito, marami pang paguugnay ang naganap para maipaliwanag ito ng husto – ito ay dahil hindi sapat ang pagiging maalam ngunit mahalaga rin na naisasabuhay ang kaalaman.

Bakit lalake ang kadalasang gumagastos sa kasal? Bakit babae ang nanay na naiiwan sa bahay para maglinis? Bakit lalake ang mas sabik sa pagtatalik ngunit babae naman ang nabubuntis?

Maraming tanong ang bumabalot sa usaping kasarian. Maraming puwang ang dapat punan. Ngunit hindi natin pahihirapan ang ating mga sarili kung sa byolohikong pagaaral ang ating pagbabasehan, dahil doon, madali lang ang sabihing may titi ka o may puki. Mahirap lamang dito ay ang kulang-kulang nagiisang porsyento ng ating pangdaigdigan populasyon na may di-tiyak na kasarian, o ang tinatawag na ngang “Hermaphrodites.” Dahil sa mundong ito, hindi natin matatakpan ng libro, ng papel, o ng kahit anong pang-akademikong bagay ang hubad na katotohanan ukol sa pagkakaiba-iba ng kasarian ng tao. Bagkus, ito pa ang magpapalawig ng ating kaalaman para punan ang mga puwang.

Siguro dahil sa tayong mga tao ay komplikadong mga nilalang, ganun na nga kahirap ang tukuyin ang isang bahagi ng ating pagkatao. Maging man ito sa pangangatawan o sa kilos, sa pagturing sa sarili o sa pagpili ng kabyak; hindi madaling tiyaking kinabibilangan mo ang sangkababaihan o ang sangkalalakihan. Hindi rin magiging madadli kun hindi tayo bukas sa iba’t ibang kaisipan, maging ito ay katotohanan o teyorya pa lamang. Dahil ang bukas na isip, malayo ang mararating. Muli, ang kaalaman ay mahalaga.

Sa ating lipunan, wala kang mararating kung puro na lamang kaalaman ang laman ng buhay mo. Kaya naman, mainam na naisasabuhay mo ito – kung peminista ka, panindigan mo at ipaglaban mo ang mga isyung ito, kung aktibista ka, di lang sapat na nagsisisigaw ka sa hanging di ka naman papansinin, at kung iskolar ka, maging bukas sa bagong mga pananaw. Kaya naman kaming mga magaaral, hindi sa paper, sa notebook o sa exam dapat nagtatapos ang napagaralan, ito ay isinasagawa rin, ito ay dapat may ganap na impluwensya sa aming pananaw.

Ang babae at ang lalake - hindi na yan bago sa pandinig naming kabataan, ngunit pwede natin itong hugutan ng aral, lalu na’t kung sisimulan natin ang pagaral sa kasarian.