Napagusapan sa mga kanya-kanyang grupo ang isang babasahing tinatawag na “Labaw Donggon.” Isa raw itong epiko kung saan ang isang machong bayani ay may kagustuhang magkaroon ng pangatlong asawa. At para makuha niya ang gusto niya, kakalabanin niya ang kontrabida. Ngunit napagusapan din kung ano nga ba talaga ang tunay na epiko. Ano ang kinaiba nito sa mga panitikang patula, o pakwento? Sinuri rin sa loob ng klase ang implikasyon ng kwento sa tingin ng kanilang lipunan sa kababaihan. Tinalakay din ng madalian ang iba pang panitikan tulad ng Pasyon, at ilang ebanghelyo mula sa Biblya.
Maraming mga mata nga ang namulat ng mga pagusbong ng mga peministang panananaw at pakikibaka. Maraming buhay ang nabigyan ng sapat na ginhawa salamat sa mga naitulong ng mga peminista. Ang mga lipunan sa mundo, lalu na ang mga makaamang lipunan, ay naimpuwensyahan na ng mga pagunlad na ito, hindi laman sa kultura, kundi pati na rin sa mga patakarang naisabatas na at naipapaptupad na. Malaki nga ang binago nito sa lipunan, sa mga komunidad, sa mga pamilya, sa mga indibidwal na mga buhay.
Ang pagkilatis sa mga panitikan, anu mang uri, ay naisasagawa para sa mga pagaaral ng iba’t ibang perspektibo pagdating sa lipunan at kasarian. Mula sa nailathala ng mga banyaga, sa mga naisulat sa mga probinsya ng Pilipinas. Kahit pa Muslim o Katoliko ang may akda niyan, napapagaralan din yan. Ganyan kalaki ang saklaw ng mga nagaaral ng lipunan at kasarian. Nakakabubuti nga ang masusing pagtingin sa iba’t ibang nailathala pagdating sa paglawak ng kaalaman.
Ang lawak ng kaalaman subalit ay hindi laging natatanging layunin ng mga tunay na iskolar. Ang hangad naman ng iba ay pagbabago, o maaari naman ay silakbo ng kanyang buhay. Nagkakaiba-iba din namana yan. At dahil sa iba’t ibang paniniwala, pananaw at ideyolohiya, di nating maiiwasan ang pagtatalo sa iba’t ibang bagay. Para sa iba, hindi lahat ng teksto ay dapat isailalim sa masusing pangangatwiran. Ito ay dahil sa kanilang pananaw, ang kanilang paniniwala ay nakasalalay dito na ito na ang nagsisilbing gabay ng kanilang buhay. Kaya hindi madali ang ipagsama sa isang silid ang nagbabatikos ng akda at ang lubos na naniniwala dito.
Pero sa kabila ng pagkakaiba sa mga pinaniniwalaan, sa tingin ko naman ay may tamang paraan, tamang lugar at tamang panahon kung saan maipapahiwatig ang kanya-kanyang pinaniniwalaan. Sa ganitong paraan, ang bawat isa ay makakapulot ng aral sa isa’t-isa. Ito ang tunay na expresyon ng pagiging totoong akademiko, tunay na iskolar – ang makita ang iba’t ibang panananaw ng may bukas na isip.